Tuguegarao City, Mananatili pa rin sa MGCQ Status; P25 million, Idadagdag ng LGU sa Pagbili ng Pamahalaan sa COVID-19 vaccine

Cauayan City, Isabela- Mananatili sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Tuguegarao City subalit titiyakin na nasusunod pa rin ang standard health protocol upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

Ito ay sa harap ng naging desisyon ng Regional Inter-agency Task Force on COVID-19 makaraang imungkahi ang pagsasailalim sana sa MECQ ang buong lungsod dahil sa dumaraming bilang ng mga tinatamaan ng naturang virus.

Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, nakapangako ito na hanggang Disyembre 20, maibababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod mula sa 96 na pinakahuling tala ng Deparment of Health (DOH).


Hiniling ni Mayor Soriano na magsagawa ng special session sa darating na Sabado upang talakayin ang ibang panukalang ordinansa na siyang daan upang sundin ng mga residente ngayong dumarami ang kaso sa siyudad.

Una, lilimitahan ang nakagisnang mahabang oras sa isang lamay subalit mananatili pa rin na sa mga close family members lang ang tanging gagawa nito.

Giit ni Soriano, istriktong ipapatupad ang tatlong araw na lamay na siya namang kinakailangang sundin ng mga funeral parlor at kung hihigit pa sa itinakdang araw ay pagpapaliwanagin na ang nasabing mga may-ari ng funeral service.

Ikalawa, dapat tiyakin ng mga pribadong establisyimento ang pagpapatupad ng minimum health standard protocol dahil kapag nakitaan ng paglabag ay maaaring kaharapin ang ilang parusa gaya ng (1st offense: Warning; 2nd offense: Closure for 3 days; 3rd offense: 5 days closure at 4th offense ay 10 days closure) at posible rin na madagdagan ang parusa depende sa maipapasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod.

Kaugnay pa rin dito, kinakailangan naman na sumailalim sa 14 days quarantine ang mga OFWs at ROF kahit na nakumpleto na ng mga ito ang 7 days quarantine sa Metro Manila habang kinakailangan namang makakuha ng acceptance certificate sa mga pinanggalingang lugar ang mga Locally Stranded Individuals.

Samantala, maglalaan naman ang LGU Tuguegarao ng P25 million para sa augmentation ng mga COVID-19 vaccine na syang idadagdag sa pondo ng national government para magamit sa pagbili nito.

Facebook Comments