Ipinagpatuloy ngayong araw ang search, rescue at retrieval operations sa gumuhong tulay sa Loay, Bohol.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Loay Mayor Boyet Ayuban na nananatili sa apat ang naitala nilang nasawi sa insidente habang 23 ang na-rescue.
Hanggang alas-11:00 kagabi, nasa 12 sasakyan na ang kanilang narekober sa Loboc River na pawang wala nang mga laman.
Ayon kay Ayuban, posibleng na-overload ang Clarin Bridge kaya ito bumigay.
Nabatid na 1980 pa nang buksan ang tulay na nagdurugtong sa mga barangay ng Poblacion Ubos at Villalimpia.
Dati na rin itong napinsala ng lindol noong 2013.
Sa tabi nito, kasalukuyang itinatayo ang bagong tulay pero hindi pa ito maaaring daanan ng mga sasakyan kung kaya’t inaabisuhan ang mga motorista na maghanap muna ng alternatibong ruta.