Manila, Philippines – Pasado na sa House Committee on Social Services ang substitute bill para sa pagbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga may kapansanan.
Layunin ng panukala na bigyan ng pantay na oportunidad ang mga Persons with Disabilities tulad ng trabaho, sapat na sahod at benepisyo.
Ito ay makakatulong para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at para mabuhay din ng disente.
Nakasaad sa panukala ang paglalaan ng dalawang porsyento na posisyon sa gobyerno at dalawang porsyento din na posisyon sa mga malalaking korporasyon.
Bibigyan din ng 500 pesos na buwanang financial assistance ang mga PWD bilang tulong sa kanilang gastusin.
Magiging libre din sila sa pagbabayad ng processing fee para sa pasaporte, travel tax, terminal fee at iba pang bayarin sa paliparan, daungan o terminal.