Manila, Philippines – Nagsagawa ng ‘dry run’ ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang plantsahin ang tinawag Express Bus o E-Bus Service bilang tugon ng ahensya sa problema ng sobrang dami ng commuters na gumagamit ng Metro Railt Transit (MRT-3).
Sinubukan ng LTFRB ang panukalang E-bus routes magmula sa Mall of Asia sa Pasay City hanggang sa Balintawak sa Quezon City.
Dumaan ang mga Point-to-Point o (P2P) bus kasama pa ang ilang City Bus sa pinakadulong lane ng EDSA malapit sa MRT na pinaplanong designated lane ng nabanggit na programa.
Ayon kay LTFRB Spokesperson at Board Member Atty. Aileen Lizada, mula sa labing-tatlong MRT Stations ay hihinto ang augmentation buses sa pitong istasyon kabilang ang Taft, Ayala, Buendia, Boni, Shaw, Cubao at Balintawak Station.
Paliwanag ni Atty. Lizada, ang mga ito lamang ang may nakahanda ng pasilidad katulad ng hagdan para kumonekta ang pasahero sa train line.
Target aniya ng ahensya na maipatupad ang programa sa buwan ng Marso upang matulungan ang mga commuters ng MRT na kadalasan ay nag-titiyaga sa mahabang pila o di kaya’y atrasadong biyahe kung nakaranasa pa ng aberya ang tren.
Hindi pa naisasapinal ang singil sa pasahe, maging ang operating hours ng E-Bus Service pero sa inisyal na impormasyon nais ng LTFRB ang may apatnaraang bus units na tatakbo sa North at Soutbound ng EDSA magmula sa MOA hanggang sa Balintawak.