Manila, Philippines – Inihaygag ng Palasyo ng Malacañang na bukas ang pamahalaan na tumanggap ng anomang tulong mula sa mga bansang handing magbigay nito matapos ang insidente ng pagpapasabog sa Jolo Sulu noong nakaraang araw ng Linggo.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, wala silang pipiliin at handing tanggapin ang anomang tulong o suporta na ibibigay ng anomang bansa kahit pa ito ay military equipment o di naman kaya ay intelligence information.
Sinabi din ni Panelo na ang pagdagsa ng alok na tulong sa pamahalaan sa paglaban sa terorismo at patunay lamang na talagang ito ay problema hindi lang ng Pilipinas kundi ng maraming bansa sa buong mundo.
Dito din aniya makikita ang pagkakaisa ng mga bansa sa buong mundo sa paghahanap ng kapayapaan at paglaban sa pamamayagpag ng mga terorista na naghahasik ng takot at kaguluhan.
Ilan naman aniya sa mga nagalok ng tulong sa Pilipinas ay ang Russia, United Kingdom at Estados Unidos ng Amerika.