Malinaw para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na hindi sapat ang paayuda-ayuda lang na tugon ng Marcos Jr. administration para sa mga tsuper sa pampublikong transportasyon.

Ito ang ipinarating kay Tinio ng mga jeepney operators and drivers na lumahok sa nationwide transport strike.

Sa kaniyang pagbisita sa mga strike center ay nabatid ni Tinio na ang dating ₱1,050 na naiuuwing kita ng drayber ay bumaba na ngayon sa ₱250 at posibleng mas bumaba pa dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng diesel.

Ayon kay Tinio, lalo pang nakakagalit ang hindi pagpapatupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pisong dagdag sa pamasahe.

Binatikos din ni Tinio ang pagbibigay ng ₱5,000 na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development na sa halip direktang ibigay sa mga drivers ay idinadaan pa sa mga operators kaya atrasadong nilang natatanggap.

Bunsod nito ay iginiit ni Tinio na tanggalin ang excise tax at Value Added Tax (VAT) sa langis, ihinto ang overpricing at profiteering ng oil cartels at ibasura ang oil deregulation.

Facebook Comments