Malaking tulong ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng minimum health protocols para malabanan ang COVID-19.
Pahayag ito ni Joint Task Force (JTF) COVID-Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar matapos ang kahilingan na pakilusin ng mga barangay ang kanilang mga tanod para muling pagigtingin ang pagbabantay.
Ayon sa opisyal, makatutulong ng malaki ang mga tanod para sa pagpapatupad ng health protocols.
Sinabi ni Eleazar, napatunayan na sa mga nakalipas na buwan kung gaano kalaki ang naitulong ng mga barangay tanod noong panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Pero, tuluyan na itong lumuwag nang inilagay sa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ ang mga lugar sa bansa.
Giit ni Eleazar, mahalaga pa ring ipatupad ang minimum health protocols sa lahat ng mga lugar gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat hulihin at ikulong ang mga nasa labas na walang suot na face mask.