Hiniling ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar sa gobyerno na maglaan ng pondo para pantulong sa mga magsasaka na maaapektuhan ng El Niño na nagsimula ng tumama sa bansa at inaasahang titindi pa sa mga susunod na buwan.
Pinaalala ni Villar na umabot sa ₱8 bilyon ang pinsalang idinulot sa sektor ng agrikultura ng El Niño na naranasan ng bansa noong 2019 na sinabayan pa ng pananalasa ng malalakas na bagyo.
Binanggit ni Villar na sa ngayon ay dumaranas na ng matinding tagtuyot ang apat na probinsya sa Hilagang Luzon at inaasahang tataas pa sa 30 lalawigan ang posibleng maperwisyo ng husto dahil sa El Niño.
Kaya naman giit ni Villar, mahalaga ang agarang paghahanda at paglalatag ng mga hakbang at tulong lalo na sa mga maliliit na magsasaka.
Mungkahi ni Villar, bukod sa tulong pinansyal ay maaring ding mag-alok sa mga magsasaka ng pautang at cash-for-work scheme.
Una rito ay inihain ni Villar House Resolution 1024 na layuning busisiin ang mga ginagawang aksyon ng pamahalaan para maisalba ang iba’t ibang sektor sa epekto ng El Niño.