Tiniyak ng mga kongresista sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na may tulong na matatanggap ang mga mangingisda sa Zambales.
Ang nabanggit na pangako ay inihayag ng mga lider ng kongreso sa konsultasyon sa kanilang hanay na isinagawa ng Committee on National Defense and Security and the Special Committee on the West Philippine Sea (WPS) sa municipal hall ng Masinloc, Zambales.
Sa naturang public consultation ay idinaing ng mga mangingisda na umunti ang kanilang kita dahil kakaunti na rin ang nahuhuli nilang isda.
Bunga ito ng pagtataboy sa kanila ng China Coast Guard na makapangisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Hinikayat naman nina Laguna Rep. Dan Fernandez at Zambales Rep. Jay Khonghun ang mga mangingisda na huwag matinag sa China Coast Guard lalo na sa detention policy ng China.
Payo ni Fernandez sa mga mangingisda, palakasin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng sama-samang pamamalakaya.
Diin naman ni Khonghun, malinaw ang mga naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi isusuko ang ating soberensya at ipaglalaban ang ating karapatan sa ating teritoryo.