Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na Social Amelioration Program para sa mga formal workers.
Ayon kay IATF Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, gagamitin ang hiniling na dagdag na ₱5 bilyong pondo ng DOLE para sa COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Makikinabang dito ang mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFWs) at local workers; Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged workers (TUPAD) sanitation project; at ang Abot Kamay Ang Pagtulong (AKAP) sa OFWs program.
Nilinaw naman ni Nograles, na ang mga nabanggit na programa ay hiwalay sa Emergency Subsidy Program ng Department of Social Welfare and Development na nakalaan sa mga targeted beneficiaries.
Tatanggap naman ng financial assistance ang mga municipal at city governments mula sa national government para makatulong sa kanilang response at relief efforts sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakapaloob ito sa ikalawang weekly report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso kung saan nakalagay na magre-release ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱30.8 bilyon sa ilalim ng Bayanihan Grant to Cities and Municipalities.
Maliban dito, naglunsad din ang Land Bank of the Philippines ng ₱10 bilyon lending program para sa mga Local Government Units (LGUs).
Mayroon itong fixed interest rate na 5% per annum na pwedeng bayaran hanggang limang taon at may isang taong grace period sa principal payment.