Patuloy ang pamahalaang lungsod ng Dagupan sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga iskolar bilang bahagi ng nagpapatuloy na scholarship program ng lungsod para sa mga mag-aaral sa kolehiyo.
Ipinagkaloob ang cash grant sa una at ikalawang batch ng mga benepisyaryo na naglalayong makatulong sa gastusin ng mga iskolar sa kanilang pag-aaral, sa pakikipag-ugnayan ang Scholarship Program Team at City Treasurer’s Office.
Kasabay ng aktibidad, kinilala ang isang iskolar mula Barangay Bonuan Boquig na nagtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Secondary Education major in English sa isang unibersidad sa lungsod.
Nagkaroon din ng maikling talakayan hinggil sa kahalagahan ng mental health, kung saan tinalakay ang ilang paraan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral sa gitna ng akademikong hamon, sa tulong ng mga kinatawan mula sa Teen Center.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nakatakda ring ipagkaloob ang ikatlong batch ng scholarship payout bilang pagpapatuloy ng programa para sa mga kwalipikadong iskolar. 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










