Tulong pinansyal sa mga mahihirap na Pilipinong apektado ng COVID-19, pinamamadali ng mga senador

Nakalipas na ang halos isang linggo ng maisabatas ang “Bayanihan to Heal as One Act” kung saan nakapaloob ang pamamahagi ng 5,000 hanggang 8,000 pisong tulong sa 18-milliong mga mahihirap na pamilya na apektado ng mga hakbang laban sa COVID-19.

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dapat pagkapasa ng batas ay agad-agad ang pamamahagi ng nasabing tulong pinansyal.

Giit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, ‘aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo’, isang kasabihang akma, aniya, sa mga Pilipino na nagugutom na ngayon.


Nangangamba din si Lacson sa kung ano ang pwedeng gawin ng mga Pilipinong patuloy na kakalam ang sikmura dahil sa atrasadong tulong ng gobyerno.

Si Senator Joel Villanueva naman nilinaw na ayon sa batas, cash o salapi ang naturang tulong at hindi maaring gawing grocery o iba pang uri ng ayuda.

Hinahanapan ni Villanueva ang pamahalaan ng espesipikong mekanismo sa implementasyon ng nasabing cash assistance gayundin sa expanded 4Ps at alokasyon para sa emergency employment.

Bukod dito ay nakaantabay din ang Senado sa iniaatas ng batas na weekly report ni Pangulong Duterte na inaasahan nilang maglalaman ng kongkretong impormasyon sa mga nagawa ng gobyerno at detalye sa paggastos ng pondo.

Facebook Comments