TULONG | Pinay na nasawi sa lindol sa Taiwan, makakatanggap ng financial assistance

Manila, Philippines – Sa kabila ng hindi aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration si Melody Albano Castro, isang OFW na nasawi sa magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan, makakatanggap pa rin ito ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Ayon kay Pilipina Dino acting regional director ng OWWA P20, 000 ang ipagkakaloob sa naulilang pamilya ni Castro bilang “bereavement assistance.”

Magkakaloob din aniya ang DOLE ng scholarship grant para sa naiwan nitong anak.


Maliban dito makakatanggap din ang pamilya Castro ng repatriation assistance para sa pag uwi sa mga labi nito sa bansa, death benefits at livelihood benefits.

Sinabi pa ni Dino na kahit hindi matutumbasan ang buhay ni Melody ang financial assistance at iba pang-ayuda ng pamahalaan ay makakatulong kahit papaano sa naulila nitong mahal sa buhay.

Si Melody ay nagtatrabaho bilang caretaker sa Taiwan at natagpuang patay sa loob ng cabinet sa isa sa mga gumuhong gusali makaraang magtago dahil sa malakas na lindol.

Sa pinakahuling datos ng DFA umaabot sa 133,577 ang mga OFWs sa Taiwan.

Facebook Comments