Tulong sa biktimang nahulog sa MRT, pinatitiyak – seguridad sa tren pinuna

Manila, Philippines – Pinatitiyak ni Bagong Henerasyon PL Rep. Bernadette Herrera-Dy sa pamunuan ng MRT na mabibigyan ng tulong ang biktimang si Angeline Fernando na nahulog kahapon sa MRT.

Bukod aniya sa bayad sa ospital, dapat na mabigyang tulong din si Angeline at ang pamilya nito na umaasa lamang din sa kanya.

Paglabas ng pagamutan ay tiyak na kakailanganin pa ng biktima na magpahinga at hindi pa ito agad makakapagtrabaho.


Hinimok ni Herrera-Dy ang MRT at ang DOTr sa pagbibigay tulong sa pamilya ni Angeline tulad ng pangkabuhayan.

Hiniling din ng kongresista ang pagkakaroon ng insurance system sa MRT para sa mga ganitong uri ng insidente.

Dapat din aniyang magpatupad ng security at crowd management measures ang MRT dahil kulang na kulang sa pasilidad ang tren para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Facebook Comments