Manila, Philippines – Tututukan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagpapalawak at pagpapalakas sa suportang ipagkakaloob ng Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa implementasyon ng Build Build Build Infrastructure Program ni Pangulong Rodrigo Duterte na mangangailangan ng mahigit sa 200,000 construction workers sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling Mamondiong, lalo pang palalakasin ng ahensya ang programa sa pakikipag-partner sa mga industriya at negosyo para sa pagbibigay ng kasanayan sa mga enrollees ng construction related training programs gaya ng on-site training.
Base sa pinakahuling status report nitong April 30, 2018, umaabot na sa 123,537 ang mga nag-enroll sa iba’t-ibang construction related training programs mula 2017 hanggang sa naunang binanggit na petsa.
Samantala, sa loob ng nabanggit ding pahanon, 90,240 na ang nakapagtapos ng training.
Aniya, sa kasalukuyan ay marami pang mga enrollees sa construction sector ang sumasailalim pa sa pagsasanay kaya inaasahan na tataas pa ang nasabing bilang.
Kabilang sa mga rehiyon na may pinakamaraming enrollees ay ang CARAGA, Region IV-B at Region IV-A at Cordillera Administrative Region (CAR).