Tulong sa Pamilya ng 2 Sundalong Nasawi sa Jolo Bombing, Tiniyak ng 5th ID!

Cauayan City, Isabela – Tiniyak ng pamunuan ng 5th Infantry Division na agarang maibigay ang tulong at benepisyo sa pamilya ng dalawang sundalong nasawi sa pagpapasabog sa simbahan sa Jolo, Sulu.

Ito ang tiniyak ni Major Gen. Perfecto M. Rimando Jr, pinuno ng 5thID, PA sa RMN Cauayan na hindi nila pababayaan ang mga naiwang pamilya ng kanilang dalawang tropang nasawi na sina Sgt. Mark Des Simbre at Cpl John Mangawit.

Bilang ama ng 5ID ay naapektuhan umano ito sa kalunos–lunos na sinapit ng dalawang sundalo. Hindi anya malilimutan ang kabayanihan ng mga ito at kanyang susumikapin na mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay.


Matatandaan na umaga ng Enero 27, 2019 nang masawi ang dalawang sundalo matapos rumesponde sa unang pagsabog sa loob ng Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Nanawagan naman si Gen. Rimando sa mga taong bayan na suportahan at makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagsumbong sa mga hindi kanais nais na aktibidades ng mga tao.

Samantala, mas lalong paiigtingin ng mga kasundaluhan ang kanilang pagbabantay para sa seguridad ng mamamayan at mapanatili ang kapayapaan sa lugar.

Facebook Comments