City of Ilagan, Isabela – Kinumpirma ni Paolo Sanidad, Head ng Public Employment Services Office (PESO) na naibigay na ang kaukulang tulong ng Local Government Unit (LGU) City of Ilagan at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Special Program for Employment of Students (SPES) program noong nakaraang taon.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Paolo Sanidad, nasa 1400 na estudyante ang nakasama sa programa ng DOLE. Ang SPES Program ay nakalaan sa mga estudyante na gustong maging makabuluhan ang bakasyon o summer job kung saan ang matatanggap na sahod ay dagdag sa allowances.
Ayon kay Sanidad, ang isang estudyante na nakasali sa programa ay nakatanggap ng P6,800.00 sa loob ng dalawampung araw (20 days) na pagtatrabaho at sa 500 na estudyante mula sa 1400 ang 40 porsyento ng sahod ay nagmula sa DOLE habang 60 porsyento naman ay mula sa LGU.
Samantala, nanggaling naman sa LGU ang buong 100 porsyento na sahod ng 900 estudyante.
Dagdag naman ni Sanidad na bukas umano ang kanilang tanggapan para tulungan ang mga naghahanap ng trabaho mapalokal o trabaho abroad.