Kumilos ang Technical Education and Skills Development Authority – Cordillera Administrative Region (TESDA-CAR) para matulungan ang mga biktima sa naganap na landslide tragedy sa abandonadong mining site sa Itogon, Benguet.
Ito ay sa pamamagitan ng ipinadalang donasyon tulad ng mga pagkain, damit at gamot sa mga evacuation centers at skills training na makakatulong sa kanilang pagbangon.
Sa ulat na ipinarating ni TESDA-CAR acting Regional Director Engr. Manuel Wong kay TESDA Director General/Secretary Guiling Mamondiong, 119 katao ang nagparehistro para sa skills training, kung saan 86 ang lalaki habang 33 ang babae.
Una rito, ang TESDA-CAR ay nakipagpulong sa quick response task force, na pinamumunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-CAR) at bilang resulta, sinabi ni Wong na hahatiin sa dalawang batches ang pagsasanay sa 119 na mga nagparehistro sa iba’t-ibang kuwalipikasyon.
Ang skills training program ay isasakatuparan sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) ng Itogon.
Ang ibang registrants/biktima na hindi makakasama sa dalawang paunang pagsasanay ay isasama na lamang sa scholarship programs ngayong taon o sa susunod na taon.