Problemado ang isang magkasintahan sa India matapos na mawala ang kanilang mga magulang ilang linggo bago ang nalalapit nilang pag-iisang dibdib.
Pinaniniwalaang nagtanan ang tatay ng groom at nanay ng bride, parehong nasa 40s, na sabay napaulat na nawawala sa Gujarat noong Enero 10, ayon sa The Indian Express.
Gayunpaman, sinabi ng pamilya ng groom na balak nilang ituloy ang seremonya, na gaganapin sa Pebrero, dahil natapos na rin ang lahat ng preparasyon at imbitasyon.
Ayon sa malalapit na kaanak at kabigan ng mga nawawala, may nakaraang romansa ang dalawa na magkaibigan na simula pa noong mga bata.
Hindi raw nagkatuluyan ang dalawa noon dahil hindi matanggap ng mayamang pamilya ng nanay ng bride ang tatay ng groom na laki sa hirap.
Nang lumaki ang kani-kanilang mga anak, ang tatay raw ang nagsabi sa groom na pakasalan nito ang anak ng dati niyang pag-ibig, na napagkasunduan naman ng parehong panig.
Hinihinalang muling nag-alab ang romansa ng dalawa dahil sa regular na pagkikita bago ang kasalan.
Humingi na ng tulong ang pulisya sa mobile service provider upang mahanap ang dalawa na parehong patay ang mga telepono simula nang mawala noong Enero 10.