Tuloy ang laban para sa 10k ayuda

Nanindigan si dating Alan Peter Cayetano na mas kailangan ng mga Pilipino ang 10k ayuda para makaahon. Para mas matulungan ang mga Pilipinong lubos na tinamaan ng COVID-19, hindi nila kailangan ng ayuda na pantawid lamang para sa isa hanggang dalawang araw lamang.

Dahil sa paniniwalang ito, itinuloy ni Cayetano at ilang pang mga kongresista ang kanilang proyekto na tinawag nilang “Sampung Libong Pag-asa”. Sa ilalim ng proyekto, namimili sila ng mga taong nawalan ng kita dahil sa pandemya, may dating maliit na negosyo at may kakayanan na palaguin ang ayuda na kailangang ibibigay.

Noong Biyernes (Mayo 21), namahagi sila ng P10,000 sa 300 na benepisyaryo mula sa labing-apat na bayan ng Laguna. Sa loob ng apat na buwan, umabot na sa 500 katao ang kanilang nabigyan ng tulong, dahil na din sa pakikipagtulungan ng ilang mga kongresista at pribadong sektor. Kabilang sa natulungan ay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Metro Manila, Cavite, Bulacan, Batangas, Laguna, Rizal, Ormoc at Camarines Sur.


Ikinatuwa ni Cayetano ang pag-apruba ng House Committee on Appropriations sa panukalang Bayanihan 3 noong May 21 na nag-lalaan ng 200 bilyong piso para sa pagbibigay ng direktang ayuda sa mga Pilipino. Ngunit naliitan siya sa panukalang P1,000 na ayuda para sa bawat Pilipino. Ayon kay Cayetano, mas magkakaroon ng impact sa buhay ng mga tao kung P10,000 kada pamilya ang ibibigay at hindi na dapat gawing tingi-tingi o installment ang bigayan.

Iginiit ni Cayetano na itutuloy nila ang laban sa plenaryo ng Kongreso para matiyak na makakamit ng bawat pamilyang Pilipino ang 10k ayuda sa lalong madaling panahon.

Hindi anya sapat ang P1,000 na planong ibigay kada tao kabilang dito ang mga sanggol at bata sa pamilya. Lalong hindi din anyang praktical na papilahin ng dalawang beses ang mga tao para kunin ang P1,000 na may pagitan ng tatlong buwan.

Sa halagang P10,000, naniniwala ang dating Speaker na maaari pang magkaroon ng pambayad sa kuryente at tubig at magka-puhunan ang mga benepisyaryo para sa kanilang maliit na mga negosyo.

Facebook Comments