Manila, Philippines – Iginagalang ng Grab Philippines ang motu proprio review na isinasagawa ng Philippine Competition Commission (PCC).
Ito ay may kaugnayan sa naantalang merging o pagsasanib pwersa ng dalawang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) na Grab at Uber.
Nitong April 8 kasi ang huling operasyon sana ng Uber pero dahil isinasailalim pa sa review ng PCC ang acquisition ng Grab sa Uber kaya at magpapatuloy pa rin ang operasyon ng Uber app.
Ayon kay Brian Cu, Grab Philippines Country Head, iginagalang nila ang desisyon ng PCC at nakahandang tumalima sa kung anuman ang magiging desisyon ng komisyon.
Pero nais talakayin ng Grab sa PCC ang pagsalo nila sa gastos ng Uber app extension sa layuning makapag-adjust ang mga drivers at commuters sa tuluyang pag-alis o pagtanggal sa Uber.
Sa kabila nito sinabi ni Cu na welcome para sa Grab ang sinasabing apat na panibagong TNVS na papasok sa bansa.