Manila, Philippines – Hindi inalintana ni Vice President Leni Robredo bagaman at basang basa ang Pangalawang Pangulo ang lamig na dulot ng basang kasuotan matapos na ulanin kanina sa isinagawang seremonya ng pagtataas ng Watawat ng bansa at pag-aalay ng bulaklak sa Monumento ni Gat Jose Rizal sa Luneta Park.
Ala-7:55 ng umaga nang dumating si Vice President Robredo sa Rizal Park at agad na sinimulan ang pag-awit ng Lupang Hinirang, matapos ito ay isinunod ang pag-aalay ng bulaklak kay Dr. Jose Rizal.
Habang lumalakad patungo sa Bantayog ng Pambansang Bayani ay bumuhos ang malakas na ulan, ngunit nananatiling nakatayo ang Bise Presidente hanggang sa matapos ang seremonya at ang 21-gun salute.
Ang suot na dress na kulay beige ay mistula na ring naging kulay brown dahil sa basang-basa na sa ulan.
Mainit din ang naging pagsalubong ng mga dumalo sa Bise Presidente na kinabibilangan ng Knights of Rizal, Knights of Columbus, Boy Scouts of the Philippines, mga guro at ng mga pinuno ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Nakipag-selfie rin ang Bise Presidente sa mga nagsidalo.
Halos mahigit na isang oras din ang itinagal ng Bise Presidente sa Rizal Park at matapos ito ay umalis na ang kanyang convoy.
Tinangka ng media na kapanayamin si VP Leni ngunit tanging ngiti lamang ang kanyang naging tugon kasabay ng pasasalamat sa mga dumalo ng naturang okasyon.