Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng Department of Budget and Management (DBM) na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon ng paniningil ng excise tax sa langis sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 2 kada litro.
Ito naman ay kasunod narin ng rekomendasyon ng mga economic managers ng Pangulo matapos ang noon ay mataas na presyo ng langis sa world market na nagsimula din naman nang bumaba.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ito ay matapos nilang matanggap ang abiso mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea na tumatayo ngayong officer-in-charge ng bansa na sinasabi ngang pinayagan na ng Pangulo ang pagsuspinde ng pagpataw ng excise tax.
Sinabi din ni Diokno na itutuloy nila ang rekomendasyon na ito kahit pa inaasahan nilang magkakaroon pa ng serye ng pagbaba ng presyo ng langis sa international market sa mga susunod pang buwan.
Malaki aniya ang maitutulong nito dahil maiiwasan nitong tumaas ang presyo ng mga bilihin sa bansa.
Pero nilinaw din naman ni Diokno na hindi nila alam kung buong taon ng 2019 maipatutupad ang suspension ng excise tax sa langis pero siguradong mararamdaman ito sa unang 3 buwan ng taon.
Paliwanag ni Diokno, pag-aaralan muli nila ang sitwasyon ng presyo ng langis sa world market upang malaman kung kailangang bang ituloy o magpataw muli ng excise tax sa mga produktong petrolyo.