Tuloy-tuloy na benepisyo sa mga health care workers at barangay health workers, aprubado na sa Kamara

Lusot na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa “mandatory continuing benefits” sa lahat ng mga health care workers, at barangay health workers, tuwing may pandemya at kahalintulad na sitwasyon.

Sa botong 202 na pabor at walang tumutol ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 10701.

Tinitiyak sa panukala ang kapakanan ng mga health care worker sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng nararapat at tuloy-tuloy na mga benepisyo sa panahon ng national public health emergencies.


Kapag naging ganap na batas, kabilang sa inaasahang matatanggap na benepisyo ng health care workers ay ang buwanang Special Risk Allowance o SRA, na naka-base sa “risk exposure categories.”

Sa mga nakatalaga sa “low risk areas,” ₱3,000 ang SRA; ₱6,000 naman kapag nasa “medium risk;” at ₱9,000 kapag nasa “high risk.”

Makakatanggap naman ng ₱1 million ang pamilya ng mga health care workers na masasawi sa COVID-19; ₱100,000 para sa severe o critical case at ₱15,000 kung mild to moderate case.

Mayroon ding Active Hazard Duty Pay (AHDP) na ₱5,000 kada buwan, Life insurance at accommodation, transportation at meals allowance para sa mga health workers anuman ang quarantine status.

Kasama rin sa probisyon na sasagutin naman ng PhilHealth ang gastos ng isang health care worker na mao-ospital dahil sa COVID o iba pang sakit sa gitna ng public health emergency at mandatory testing sa kada 15 araw.

Facebook Comments