Tiniyak ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang tuloy-tuloy na reporma sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Bunsod ito ng pangako ng administrasyong Marcos na makapagbigay ng dekalidad na teacher education at mga pagsasanay na bahagi ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Tinukoy ni Gatchalian ang ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 11713 o Excellence in Teacher Education Act kung saan isasaayos ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sa ilalim ng batas, binibigyang mandato ang TEC na magtakda ng basic requirements para sa teacher education programs at tiyakin ang pagkakaugnay-ugnay ng teacher education at mga pagsasanay mula sa “pre-service” sa “in-service.”
Binigyang-diin pa ng mambabatas ang papel ng mga guro na pinakamahalagang factor sa ating edukasyon.
Aniya pa, bukod sa pag-angat sa edukasyong natatanggap ng mga kabataan ay mahalaga rin na natutukan ang natatanggap na edukasyon para sa mga guro para sa pag-angat ng pagtuturo sa bansa.