#TuloyAngKasal: Magkasintahang sumuong sa baha, pinusuan ng netizens

3153
Courtesy Joy Ann Fernandez Baquilar

Walang putik o bahang hahadlang sa pag-iisang dibdib ng mga pusong nagmamahal.

Ito ang pinatunayan ng magkasintahang Joey Nuñez at Gina Cañete matapos silang lumusong sa baha para matuloy ang kanilang kasal.

Nakunan ang viral photo noong Oktubre 26 sa Barangay San Isidro, Toboso, Negros Occidental.

Ayon sa bisitang si Joy Ann Baquilar, masungit na ang panahon noong gabi bago ang seremonya.

Hindi nakadaan ang bridal car dulot ng matinding baha at putik bunsod ng magdamagang ulan.

Pero pinatotoo ng bagong mag-asawa ang katagang “for better or for worse” dahil sumabak sila sa mahabang lakaran at sumuong sa tubig-baha para makarating agad sa simbahan.

Kuwento pa ni Joy, binaon nina Joey at Gina ang wedding outfit nila at nagpalit na lamang bago ang pinakahihintay na pag-iisang dibdib.




Facebook Comments