Ligtas pa ring tirahan ang Tulunan, North Cotabato.
Ito ang tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa gitna ng pinsalang idinulot ng magkakasunod na lindol sa lugar.
Pero ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal – sa ngayon, mainam na manatili muna sa mga open area o sa mga evacuation centers dahil na rin sa mga aftershocks.
Nasa higit 300 aftershocks na ang naitala ng PHIVOLCS hanggang kaninang hatinggabi mula nang tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa Tulunan kahapon.
Posible anilang magtuloy-tuloy ang mga aftershocks hanggang sa Disyembre.
Patuloy namang inaalam ng PHIVOLCS kung anong fault line ang nagdudulot ng mga pagyanig sa Mindanao.
Samantala, nananatiling normal ang operasyon ng mga pantalan sa rehiyon matapos na hindi mapinsala ng sunod-sunod na lindol.