
Isinusulong ni Senator Migz Zubiri ang tuluyang pag-ban o pagbawal sa online gambling sa bansa.
Tinawag ni Zubiri na isang “silent epidemic” ang online gambling na tahimik na nagpapahamak sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan.
Sa Anti-Online Gambling Act of 2025 na inihain ni Zubiri, ipagbabawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa kabilang na rito ang digital betting platforms, mobile applications at websites na pumapayag na pumusta o tumaya ang mga tao sa pamamagitan ng cellphone, tablets, at computers.
Saklaw ng panukala ang ban sa local at offshore-operated gambling sites na tumatarget sa mga Pinoy user.
Inaatasan din ang lahat ng Internet Service Providers (ISPs), mobile network operators, at digital platforms na i-block ang access sa mga gambling website at pinaaalis din ang mga kaparehong apps sa loob ng 72 oras mula nang magpadala ng notice ang Department of Justice (DOJ) o Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Pagbabawalan din sa pagsasagawa ng transaksyon kaugnay ng online gambling ang mga digital wallets at payment service providers tulad ng credit cards, GCash, Paymaya at iba pa.









