Tuluyang pagbabawal sa POGO sa bansa, sinuportahan ng ilang kongresista

Buo ang suporta ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., sa pagsusulong na tuluyan ng ipagbawal sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO dahil mas matindi ang perswisyong dulot nito kumpara sa benepisyo.

Para kay Abante ang pagkakasangkot ng mga POGO employees sa iba’t ibang krimen ay sapat na dahilan upang ipagbawal ang operasyon nito sa bansa.

Diin pa ni Abante, lugi ang gobyerno dahil nagagamit ang ating resources para tugunan ang mga POGO-related crimes tulad ng kidnapping na maaring maging dahilan para iwasan ng mga mamumuhunan ang ating bansa.


Tinukoy din ni Abante ang pahayag kamakailan ni Finance Sec. Benjamin Diokno na maliit na nga ang kinikita ng bansa sa POGO, ay lumalaki naman ang perswisyong dulot nito.

Bukod kay Abante ay una ding nanawgan si Iloilo Rep. Janette Garin sa Senado at sa mga kapwa mambabatas nito na gumawa ng hakbang para ma-ban o ma-ipagbawal na sa Pilipinas ang POGO.

Diin ni Garin ang mga kinakasangkutang krimen at ilegal na aktibidad ng mga Chinese nationals na may kaugnayan sa POGO ay may masamang epekto sa imahe ng Pilipinas sa international community at siyang dahilan para umiwas ang mga dayuhang negosyante.

Facebook Comments