Tuluyang pagbubukas ng ekonomiya, muling ipinanawagan ng ECOP

Muling ipinanawagan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang pinaburan ng grupo ang panukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na alisin na o ibaba pa ang alert level sa bansa para makapagbukas ng mas maraming negosyo.

Ayon kay ECOP President Sergio Luis-Ortiz Jr., kung mas maraming negosyo ang mabubuksan mas marami rin ang makakabalik sa trabaho lalo na ang mga manggagawang naapektuhan ng nagdaang surge dahil sa Omicron.


Giit niya, hindi naman tao ang problema kundi ang hindi handang healthcare system ng bansa.

“Napakadali naman kasing sabihin ng ibang nandyan sa DOH na hindi pa handa, e ano ba ang handa? E ang may problema naman hindi naman yung mga tao e, ang problema, hindi handa yung health [system capacity] natin. Hindi nila masigurado na pagka nagkaroon ng surge e kaya ng health system natin dahil yung mga ospital hindi pa bayad, yung mga nurses natin nag-aalisan, kapag binigyan mo ng rason e ayaw nang pumasok,” saad ni Ortiz-Luis.

“Kung yun e ia-assure nila e hindi naman tayo kailangan pang maghintay pa ng kung ano-anong mga zero record na yan ng COVID e,” giit pa niya.

Facebook Comments