Tuluyang pagbuwag sa cartel ng asukal, hiniling ng isang senador

Kinalampag ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno para sa tuluyang pagbuwag ng cartel ng asukal.

Kaugnay na rin ito sa pagkwestyon ng senadora tungkol sa pagtaas ng presyo ng asukal sa merkado sa P136 kada kilo gayong sa pagpasok ng mga imported na asukal sa bansa ay dapat nasa P86 hanggang P90 kada kilo na lang ang presyo ng asukal.

Giit ni Hontiveros, hindi na ‘tubong lugaw’ kundi hayagang pagnanakaw na sa mga mamimili ang hindi makatwirang mataas na presyo ng asukal na pinapasan ngayon ng buong bansa.


Hinala ng mambabatas, ang patuloy na pagtaas sa presyo ng asukal ay dahil sa pag-corner ng tatlong importers sa suplay ng asukal sa bansa at posible aniyang nalalaman ito ng Malakanyang pati na ang Department of Agriculture at Sugar Regulatory Administration.

Binigyang diin pa ni Hontiveros na hindi pagkontrol sa presyo ang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal kundi ang pagbuwag sa cartel na siyang kumokontrol sa suplay ng asukal sa bansa.

Sa halip aniya na ‘price control’ sa retail, ay price monitoring at control sa wholesale ang dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan dahil ito ang kinokontrol ngayon ng mga makapangyarihang sugar cartel.

Lumalabas aniya na ang wholesalers ay ibinabatay ang presyo sa ibinibigay sa kanila ng cartel habang ang food producers, traders at retailers ay wala ring magawa kundi kagatin ang mataas na presyo dahil walang ibang source maliban sa tatlong sugar importers na kontrolado ang suplay ng murang asukal sa bansa.

Facebook Comments