Tuluyang pagpapatalsik ng kamara kay Comelec Chairman Andres Bautista, answered prayer ayon sa mga endorsers

Manila, Philippines – Itinuturing ng mga endorsers ng impeachment complaint laban kay Comelec Chairman Andres Bautista na “answered prayer” ang naging resulta ng botohan kanina sa plenaryo para sa pagbasura ng impeachment complaint laban kay Bautista.

137 ang bumoto na tutol sa dismissal ng impeachment complaint ni Bautista, 75 ang pabor na ibasura ang reklamo habang 2 naman ang nag-abstain.

Hindi naman makapaniwala sina Kabayan Rep. Harry Roque at Cebu Rep. Gwen Garcia sa naging resulta ng botohan sa plenaryo dahil sa House Committee on Justice ay dadalawa lamang sila na bumoto para patalsikin ang Comelec Chairman.


Ayon kay Roque, nagdasal siya para mangyari ang milagro at ito ay nagkatotoo.

Kaugnay dito, sinabi ni Roque na ngayong gabi ay magsusumite na siya ng draft para sa articles of impeachment na ipapasa sa impeachment court.

Tiwala si Roque na kahit hindi nahimay ng husto ang mga grounds laban kay Bautista, ay matibay ang mga ebidensyang inihanda laban sa Chairman.

Samantala, sinabi naman ni Garcia na ang resulta ng botohan para mapatalsik si Bautista ay patunay lamang na hindi dapat sinusubukan ang kakayahan ng mga mambabatas.

Dagdag naman ni dating Cong. Jacinto Paras, vindicated na sila sa resulta ng botohan ngayong impeached na si Bautista at nagpasalamat ito sa mga mambabatas na tumayo sa kanilang reklamo.

Facebook Comments