Mas lalong nadadagdagan ang mga dahilan para tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ang iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian matapos ang pinakahuling raid ng mga awtoridad sa isang POGO hub sa Las Piñas kung saan halos 3,000 mga dayuhang manggagawa at Pilipino na hinihinalang mga biktima ng human trafficking ang nasagip ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Gatchalian, ang pinakahuling police raid na ito sa isang POGO hub ay dagdag na ebidensya na hanggang ngayon ang POGO industry ay malalim pa rin ang pagkakasangkot at paggawa ng mga krimen at iligal na gawain.
Tinukoy pa ng senador na ang Xinchuang Network Technology Inc., na sangkot sa nasabing krimen ay isang accredited POGO service provider na isang indikasyon na kahit ang mga licensed POGOs ay nagagamit na ‘front’ sa mga iligal na aktibidad.
Ito rin aniya ang pangalawang pagkakataon na ang isang accredited POGO service provider ay isinasangkot sa human trafficking.
Giit ni Gatchalian, dahil ang mga lisensyado at non-accredited POGO service providers ang parehong nadadawit na sa mga labag sa batas na gawain, hindi hamak na mas malinaw ngayon na dapat nang ipahinto ng pamahalaan ang operasyon ng POGO industry at huwag nang mamili sa kung aling POGO ang dapat na ipasara o ipatigil.