TUMAAS | OFWs na may HIV-AIDS, umakyat na sa 6,000

Umabot sa 6,135 ang naitalang mga OFWs na infected ng sakit na HIV-AIDS mula 1984 hanggang ngayong pagpasok ng Disyembre 2018.

Ayon kay ACTS-OFW Partylist Representative John Bertiz, sa 6,135 na bilang ng mga OFWs na may HIV-AIDS 86% o 5,280 dito ay mga lalaki.

Mayorya aniya ng kaso ng mga lalaking OFWs na may HIV-AIDs ay nakuha mula sa sexual contact sa kapwa lalaki na nasa 71% o 2,176 habang nasa 1,586 naman ay nakuha sa sexual contact sa kapwa lalaki at babae.


Batay sa National HIV/AIDS Registry, pumalo na sa 59,135 confirmed cases ang mga Pilipinong nagpositibo sa HIV-AIDS.

Iginiit ni Bertiz na dapat palakasin pa ng gobyerno ang kampanya at gamutan laban sa nasabing sakit.

Kinalampag din ng kongresista ang POEA at OWWA na paigtingin pa ang preventive education sa HIV-AIDs sa mga OFWs at sa mga pamilya ng mga ito.

Batay sa DOH, aabot lamang sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga Pilipinong may HIV-AIDS o nasa 31,458 lamang ang sumasailalim sa gamutan o Antiretroviral treatment (ART).

Facebook Comments