Iniulat ng mga kinatawan ng Infanta Integrated School (IIS) ang matagal nang problema sa tumatagas na tubig mula sa pasilidad ng Philippine National Police (PNP) Infanta Station na umano’y nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga mag-aaral at guro sa naturang paaralan.
Ayon sa pamunuan ng IIS, umiiral na ang naturang suliranin bago pa man italaga ang kasalukuyang school head ng paaralan.
Noong Hulyo 21 ng nakaraang taon, nagsumite umano ang IIS ng liham sa tanggapan ng alkalde upang i-report ang isyu, na agad namang sinuri ng mga Sanitary Inspector ng bayan.
Ayon naman sa PNP Infanta, naresolba na ang tumutulong tubig noong Enero 26 matapos silang makatanggap ng liham mula sa paaralan.
Gayunpaman, iginiit ng IIS na kinakailangan pa rin ng pangmatagalang solusyon upang tuluyang maiwasan ang pag-ulit ng problema.
Bukod dito, iniulat din ng paaralan ang tumatagas na tubo mula naman sa Bureau of Fire Protection (BFP) na nagdudulot ng stagnant water sa study shed na ginagamit ng mga estudyante.
Tinalakay ang mga naturang isyu sa Committee En Banc hearing ng Sangguniang Bayan ng Infanta kahapon, Pebrero 9, na dinaluhan ng mga kinauukulang ahensya kabilang ang PNP at IIS.
Bilang hakbang, iminungkahi ng Sangguniang Bayan ang pagsasagawa ng ocular inspection at ang pag-aayos o pagpapalit ng mga sirang tubo upang tuluyang maresolba ang problema.








