Tumpok ng plastic, nakita sa tiyan ng namatay na 9 usa sa Japan

PHOTO COURTESY: THE JAPAN TIMES

Sa loob ng apat na buwan, siyam na usa ang naitalang namatay sa Nara Park sa Japan matapos makakain ng mga plastic bag, ayon sa isang wildlife group.

Ayon sa Nara Deer Preservation Foundation, natagpuan ang tumpok ng plastic bags at food wrappers sa sikmura ng siyam sa 14 usa na namatay mula Marso hanggang Hunyo.

Isa sa mga hayop ay nakitaan ng higit 4kg ng basura sa tiyan.


Kilalang tourist spot sa Japan ang Nara Park na may naninirahang higit isang libong usa.

Itinuturing naman national treasure ang Sika deer at protektado ng batas.

Pinapayagan ang mga turista sa parke na pakainin ang mga usa ng sugar-free crackers na espesyal na ginawa para sa mga hayop at walang balot na plastic.

Ngunit hindi maiiwasan ang mga bisita na nagdadala ng ibang pagkain para sa mga hayop.

Ayon kay Rie Maruko ng Nara Deer Preservation Foundation, maaaring napagkakamalan ng mga usa na pagkain ang mga tinatapong wrapper at plastic bag dahil sa amoy nito.

Posibleng namatay umano sa malnutrisyon ang mga usa dahil sa mga plastic na nakaharang sa mga sikmura nito.

Iimbestigahan ng awtoridad ang pagkamatay ng mga usa at nakatakda ring maglagay ng paalala para sa mga turista sa parke tungkol sa pagpapakain ng angkop sa mga hayop.

Facebook Comments