Kinilala ng Palasyo ng Malacañang ang mga sundalo at mga pulis na nag-alay ng kanilang buhay para mapalaya ang Marawi City mula sa mga kamay ng teroristang Maute Group isang taon na ang nakalilipas.
Ngayong araw kasi ang anibersaryo ng liberation ng Marawi matapos itong ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ngayong araw ay ipinagdiriwang ng lahat ang tagumpay ng Gobyerno sa paglaban sa Daesh-Inspired Maute Group.
Kasabay nito ay nagbibigay pugay aniya ang Malacañang sa mga nasawing kawal ng pamahalaan dahil sa bakbakan sa lungsod ng Marawi upang matiyak na mapapalaya ito mula sa terorismo.
Sinabi ni Panelo na ang malakas na mensahe na ibinibigay ng paglaya ng Marawi City mula sa mga terorista ay nagkakaisa ang sambayanang Pilipino sa paglaban sa terorismo.