Tuguegarao City– May sinusundan ng anggulo ang pulisya kung sino ang nagmamay ari ng get -away vehicle na ginamit ng mga suspek sa ginawang pagsunog sa dalawang (2) Vote Counting Machine at Election Paraphernalia sa Bayan ng Jones, Isabela sa katatapos na midterm election.
Kasabay nito ang boluntaryong pagsuko ng mga suspek na sina Rodel Pascual at Jayson Leaňo na kapwa residente ng Brgy. Sta. Isabel sa nasabing bayan na kalaunan ay pinalaya din dahil sa hindi umabot sa inquest proceeding sa araw na iyon.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/BGen. Mario Espino, Regional Director ng Police Regional Office no. 2, aniya may sinusundan ng anggulo ang pulisya kung saan ibinenta ng isang ‘casino financer’ ang sasakyan na ginamit sa pagtakas ng mga suspek.
Magugunita na hinarang ng grupo ng mga kalalakihan ang dump truck na sakay ng nasabing makina at agad na sinunog isang kilometro ang layo mula sa pinanggalingan na presinto sa Brgy. Dicamay 1 at Brgy. Dicamay II ng nasabing bayan.
Hindi muna pinangalanan ng pulisya kung sino ang nasa likod sa nangyaring insidente sa nasabing bayan.