Tunay na motibo sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad

Hindi pa matukoy sa ngayon ng mga awtoridad kung ano talaga ang totoong motibo sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil dito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng Special Investigation Task Group Lapid.

Aniya, masyado pang maaga para magbigay ng kongklusyon hinggil sa tunay na motibo sa pamamaslang sa beteranong mamamahayag.


Paliwanag ni Abalos, sa ganitong kaselang kaso ay kinakailangang evidence based ang lahat.

Kung kaya’t patuloy nilang hinihimay ang sinumpaang salaysay nang sumukong gunman na si Joel Escorial upang malaman kung sino sino ang mga taong involved.

Giit pa ni Abalos, maingat lamang ang kapulisan sa paglalabas ng pahayag hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon para malaman talaga kung sino ang mastermind sa krimen at ang rason sa pagtumba kay Lapid.

Matatandaang una nang ipinalagay ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na work-related ang pagpatay kay Lapid dahil posible itong may nakabanggang malaking personalidad.

Facebook Comments