Manila, Philippines – Pinababasura ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang hiling ni Senator Antonio Trillanes IV na makabiyahe sa Europe at Amerika sa susunod na dalawang buwan.
Batay sa ikomento ng DOJ sa Makati Regional Trial Court Branch 150, iginiit nilang dapat ibasura ang motion to travel ni Trillanes dahil sa kawalan ng merito.
Anila, flight risk ang senador na nahaharap sa apat na kaso sa Makati Regional Trial Court at limang reklamo sa prosecutor’s offices.
Ayon pa sa DOJ, hindi malayo ang posibilidad na tumakas si Trillanes na dating military officer na anila ay may paraan, resources at political connections.
Kapag pinayagan umano na makalabas ng bansa ang mambabatas ay posibleng hindi na ito mahabol at maaresto dahil wala na ito sa hurisdiksyon ng ahensya.
Una nang hiniling ni Trillanes sa korte na payagan siyang bumyahe sa Netherlands, Spain at United Kingdom mula December 11, 2018 hanggang January 12, 2019 at sa Estados Unidos mula January 27 hanggang February 19, 2019 para dumalo sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang ilang talumpati.