Manila, Philippines – Malabong makalusot sa committee on ways and means na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara ang isinusulong na itaas sa 25% mula sa kasalukuyang 10% ang buwis na ipinapataw sa mga eskwelahan at ospital.
Nakapaloob ito sa ikalawang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2, na tinawag ng Kamara na TRABAHO Bill o Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities Bill.
Paliwanag ni Angara, hindi makatwiran at hindi napapanahon na madagdagan ang buwis na kinokolekta mula sa mga educational institutions at medical centers.
Ipinunto ni Angara na maaring magbunga ng pagtaas sa matrikula kapag tinaasan ang buwis sa mga eskwelahan habang magdudulot naman ng pagtaas sa mga bayarin sa pagpapagamot kapag itinaas ang buwis sa mga ospital.
Ikinatwiran ni Angara na ang planong dagdag na buwis ay kontra sa ipinagkakaloob ng pamahalaan na libreng edukasyon at medical benefits.