TUTOL | Planong pagkalas sa IPU ni Speaker Arroyo, kinontra

Manila, Philippines – Mariing kinontra ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang isinusulong ni House Speaker Gloria Arroyo na pagkalas ng Pilipinas sa Inter-Parliamentary Union o IPU.

Para kay Drilon, hindi sapat na rason ng hakbang ni Arroyo ang pagpapakita ng malasakit ng IPU sa political persecution na ginagawa ng administrasyong Duterte sa mga kritiko nitong sina Senators Leila de Lima at Antonio Trillanes IV.

Naniniwala si Drilon na ang hakbang ni Arroyo ay ituturing ng buong mundo bilang pag-amin na talagang inuusig ang mga mababatas na kritiko ng administrasyong Duterte.


Katwiran pa ni Drilon, isang kahangalan ang igiit na maparusahan ang IPU dahil sa pagtupad nito sa mandato na protektahan ang kapwa mambabatas laban sa pag-abuso at pagmamalabis ng ehekutibo.

Bilang dating chairman ng IPU Committee on Human Rights of Parliamentarians ay ipinaalala ni Drilon na ang pagrespeto sa karapatang-pantao ay haligi ng demokrasya.

Bunsod nito ay iginiit ni Drilon sa lahat na makibahagi sa pagsusulong sa karapatan pantao ng bawat isa at pag-iral ng batas dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Facebook Comments