Manila, Philippines – Hindi pa rin humihinto ang tropa ng pulisya at militar sa pagsasagawa ng pursuit operations laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nanambang sa mga miyembro ng PNP Special Action Force sa Antipolo City kahapon ng umaga.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, iniutos nya mismo sa Regional Director ng PNP CALABARZON ang pagtugis sa mga umatake sa SAF commandos.
Habang nagdagdag na rin sila ng bilang ng mga miyembro ng SAF sa lugar para tugisin ang mga salarin sa pag-atake.
Katuwang ng PNP ang mga miyembro ng Philippine Army sa pagsasagawa ng pursuit operations.
Sa nangyaring pananambang anim na SAF Commandos ang nasugatan matapos pasabugin ng NPA ang itinanim na landmines sa may Barangay San Jose, Antipolo City alas- 6:30 ng umaga kahapon.