Manila, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo ng Malacañang sa mga pamilyang namatayan sa Natonin Mountain Province na isa sa mga lugar na matinding nasalanta ng bagyong Rosita.
Matatandaan na gumuho ang gusali ng Department of Public Works and Highways o DPWH matapos matamaan ng landslide kung saan nabaon ng buhay ang tao doon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, nagpapatuloy ang pamahalaan sa paghahanap kung mayroon pang mga nakaligtas sa landslide.
Tiniyak din naman ni Panelo na nakapagbigay na ng mahigit 800 libong pisong halaga ng tulong ang Department of Social Welfare and Development sa mga nasalanta.
Sinabi din ni Panelo na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng ahensiya ng Pamahalaan na magpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Rosita at tiyaking maitatayong muli ang mga nasalanta ng bagyo.
Tiniyak din ni Panelo na on top of the situation si pangulong Duterte at katulong nito ang kanyang buong gabinete para tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Matatandaan na sinabi ni Panelo na bisitahin ni Pangulong Duterte ang Mountain Province para alamin ang lawak ng pinsala ng bagyo at magbigay tulong sa mga nasalanta.