Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilinis sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang sinabi ng Palasyo matapos harapin at pagalitan ni Pangulong Duterte ang mga itinuturing na police scallywags nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, mas marami pang mga matitinong pulis pero ang ginagawa ng Pangulo ay inihihiwalay nito ang mga bulok sa mga matitino para hindi na makaawa ang mga ito.
Mayroon aniyang special unit na binuo si Pangulong Duterte para bantayan ang mga tiwaling pulis para matiyak na hindi na lalala ang problema sa hanay ng PNP.
Nanawagan din naman si Go sa mga tiwaling pulis na magbago na at tuparin na ang kanilang mga sinumpaang tungkulin at tapat na pagsilbihan ang taumbayan.
Tiniyak naman ni Go na buo ang suporta ni Pangulong Duterte sa PNP at patunay aniya dito ang pagbibigay ng Pangulo ng 25 million pesos na provisional fund sa PNP Hospital para sa mga pangangailangan ng mga pulis.
Inaprubahan din aniya ni Pangulong Duterte ang improvement o pagpapaganda ng mga pasilidad ng PNP hospital.
Tiniyak din aniya ni Pangulong Duterte na hahanapan ng pamahalaan ng paraan para maisama sa 2019 National Budget ang pagtatayo ng bagong PNP Medical Plaza na gagawin sa Camp Panopio sa Quezon City na nagkakahalaga ng mahigit 1.7 billion pesos.
Tiniyak din ni Go na anumang suporta na ibinibigay ng Pangulo sa Armed Forces of the Philippines o AFP ay ibibigay din nito sa PNP.