TV host na si KC Montero, 112 iba pa, hinuli sa loob ng high-end restobar sa Makati

Arestado ang 113 katao, kasama ang TV host na si KC Montero, nang salakayin ng operatiba ang isang high-end restobar sa Salcedo Village, Makati City nitong Linggo ng hapon bunsod ng paglabag sa community quarantine at health protocols.

Kabilang din sa mga nadakip ay mga Pinoy at dayuhang kustomer na walang suot na face mask.

Ayon sa Makati Police, nakatanggap sila ng ulat na nagsasagawa roon ng mass gathering, dahilan para hindi masunod ang physical distancing.


Bukod dito, maigting na ipinagbabawal ang operasyon ng mga bar habang umiiral pa ang general community quarantine.

Paliwanag ni Montero, nandoon lang sila ng kaniyang misis para kumain at unang beses pa lang nilang magtungo roon.

“That place was open before so parang feeling ko, okay. Why were they open if they’re not allowed to open,” tugon ng celebrity sa isang panayam.

Depensa naman kampo ng may-ari ng restobar, sumusunod sila sa ipinatupad ng InterAgency Task Force (IATF) na 30 percent capacity para sa mga restawran.

Nanatili ngayon sa Guadalupe Nuevo Gymnasium ang mga nahuling indibdiwal na posibleng kasuhan ng paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Law.

Patong-patong na kaso naman ang kahaharapin ng may-ari ng naturang establisyimento.

Facebook Comments