Twin bills na nagbabawal sa candidate substitution at nagpapadeklarang otomatikong “resigned” sa kasalukuyang pwesto ang isang kandidato, pormal nang inihain sa Kamara

Naihain na sa Kamara ang twin bills na nagbabawal sa substitution ng mga kandidato at nagpapadeklara sa isang aspirante na otomatikong resigned sa kasalukuyang pwesto kapag kumandidato sa ibang posisyon.

Ayon kay Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, layon ng House Bills 10380 at 10381 na wakasan na ang nakasanayan ng mga pulitiko at political parties na gawain na nagbibigay lamang ng duda sa integridad ng halalan.

Sa ilalim ng House Bill 10380, pagbabawalan na ang isang political party na magpalit ng kandidato maliban na lamang kung ang aspirante ay nasawi o diskwalipikado na siyang pinapayagan naman sa ilalim ng Omnibus Election Code.


Nilinaw naman ng kongresista na walang mali sa substitution ngunit ang pagpapalit ng kandidato sa kadahilanan ng withdrawal ng kandidatura o voluntary substitution ay seryosong usapin dahil posibleng maging daan ito sa manipulasyon at panghahamak sa proseso ng eleksyon.

Samantala, ang House Bill 10381 ay ipinababalik sa Fair Elections Act of 2001 ang otomatikong idinedeklarang resigned sa posisyon ang isang kandidato na naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa ibang elective post.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ng mga incumbent official na kandidato sa halalan na gamitin ang kanilang tanggapan, public funds, property at impluwensya sa kanilang kampanya.

Facebook Comments