Posibleng pumasok ang typhoon Wutip sa Philippine Area of Responsibility (PAR) anumang araw ngayong linggo.
Ayon sa PAGASA, maaaring pumasok ang bagyo sa Miyerkules (February 27) o Huwebes (February 28).
Oras na makapasok sa PAR ay papangalanan ang bagyo na ‘Betty’.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,940 kilometers east ng Southern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometers per hour at pagbugsong 225 kilometers per hour.
Tinatahak ng typhoon Wutip ang direksyong pa-hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Samantala, patuloy namang makaaapekto ang northeast monsoon o amihan sa buong bansa.
Inaasahang makararanas ng maayos na panahon sa buong bansa ngayong araw ng Lunes.
Tanging isolated light rain lamang ang iiral sa bahagi ng Bicol Region at probinsya ng Cagayan, Isabela, Quezon, Surigao, Compostela Valley at Davao Oriental.