Manila, Philippines – Pinuna ng House Committee on Transportation na nakadaragdag sa matinding traffic sa Metro Manila ang Transportation Network Companies tulad ng Grab at Uber at Transportation Network Vehicles.
Ayon kay Transportation Chairman Cesar Sarmiento, hindi nakakatulong ang TNCs at TNVs sa pagresolba ng traffic dahil nadaragdagan ng nadaragdagan pa ang mga sasakyan sa lansangan.
Aabot na sa isandaang libong units ang mga Grab at Uber na bumabyahe.
Dahil dito ay pinamamadali na ni PBA PL Rep. Jericho Nograles ang pagpapasa sa mga panukala kaugnay sa pagre-regulate sa Uber at Grab.
Sa kabilang banda ay tinawag ni Sarmiento na “manna from heaven” ang mga TNCs at TNVs dahil sa ginhawang ibinibigay nito sa publiko.
Inisa isa ni Sarmiento ang advantage ng pagsakay sa TNVs kumpara sa pampublikong jeep o taxi mula sa maayos na pag iintay ng sasakyan at hindi ka na mabibilad sa araw o mababasa sa ulan, recorded ang booking ng sasakyan pati identity ng driver, alam na agad ang pasahe bago pa sumakay ang pasahero hanggang sa mabango na sasakyan hanggang sa ugali ng driver at pagbabayad ng buwis sa gobyerno ng TNCs.