Manila, Philippines – Nagkasundo ang mga Transport Network Company, LTFRB at PDEA na hindi na tatanggap ng mga package ang Grab at Uber kung hindi ito sasamahan ng nag-book.
Ito’y matapos madiskubre ng PDEA na gumagamit na ng ganitong app-based services ang mga drug trafficker para i-deliver ang ilegal na droga.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, pwedeng tumanggi ang mga TNC drivers kapag hindi pumayag ang sender na ipakita ang laman ng kanilang package.
Aniya, may susulatan ring form para makuha ang impormasyon ng sender at ng recipient ng package.
Sinabi naman ni Leo Gonzales, country public affairs head ng Grab, na hindi makakaapekto sa mga driver sakaling mabigyan sila ng mababang rating dahil sa pagtanggi.
Pagtitiyak rin ni Yves Gonzales, Government Relations and Public Policy Head ng Uber na aalertuhin agad nila ang mga awtoridad sakaling may mga nagpapadalang ayaw magpakita ng kanilang package.
Sisilipin naman ng LTFRB ang iba pang pampublikong transportasyon na posibleng nagagamit din sa pag-deliver ng ilegal na droga tulad ng mga taxi at uv express.
Maglalabas rin ang LTFRB ng kautusan para sa mandatory drug testing ng mga driver ng mga pampublikong sasakyan kabilang na ang mga nasa TNCS.